Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo na gawing ligal na ang ₱18 billion ukay-ukay industry sa bansa.
Sa inihaing Senate Bill 1778 ni Tulfo, ipinababasura ang Republic Act 4635 o ang batas na nagbabawal mula pa noong 1966 sa importasyon ng second-hand na textile articles na tinatawag na used clothing at rags o nagamit nang damit at basahan na layong maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Tinukoy ni Tulfo na naging bahagi na ng kulturang Pilipino ang ukay-ukay, lumikha na rin ng mga trabaho at may mga non-government organization na second hand na imported na damit ang pinamimigay kapag may kalamidad.
Subalit ang bilyun-bilyong pisong industriyang ito ay hindi naman nakokolektahan ng buwis dahil sa karaniwang underground ang negosyo at ipinagbabawal nga sa kasalukuyang batas.
Sa panukala ay inaatasan ang Tariff Commission na makipagugnayan sa iba’t ibang ahensya para tukuyin ang angkop na buwis na ipapataw sa commercial importation.
Ang Department of Health (DOH) ay pinagtatakda naman ng mga health standards sa importasyon at distribution ng mga nagamit na damit at basahan.