₱2.6 billion supplemental budget para sa COVID-19, tinalakay na sa Kamara

Tinatalakay na ngayon ng House Committee on Appropriations ang paglalaan ng supplemental budget para malabanan ng bansa ang epekto ng COVID-19.

Tiniyak ni Appropriations Committee Chairman Eric Yap ang mabilis na pagapruba sa supplemental budget para sa COVID-19 na aabot naman ng ₱2.6 billion.

Humarap sa pagdinig si Health Secretary Francisco Duque III kung saan siniguro nito ang kahandaan ng Department of Health (DOH) laban sa virus sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya hanggang sa barangay level.


Posible namang kulangin ang ₱2.6 billion supplemental budget dahil ang kailangan ng DOH ay aabot sa ₱3.1 billion supplemental budget para sa COVID-19.

Ayon naman sa National Treasury, kukulangin ang maibibigay nilang supplemental budget dahil aabot lamang sa ₱1.654 billion ang excessive o available funds na maaaring ilaan para sa COVID-19.

Hindi naman matiyak ng National Treasury kung kailan makukumpleto ang kailangang pondo pero minamadali na ng tanggapan sa ngayon ang pagre-release ng dividends mula sa mga government corporation na maaaring hugutan ng supplemental budget.

Tiniyak naman ng DOH na may iba pa silang paghuhugutan para sa supplemental budget tulad sa PAGCOR, savings ng DOH, PCSO at Quick Response Fund.

Facebook Comments