Ipinagmalaki ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa media ang kanilang matagumpay na buy-bust operation kahapon (Nov. 4, 2020) sa Taguig City, kung saan nakasabat sila ng halagang ₱20.4 million ng shabu at ₱50,040 na halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Ayon kay NCRPO chief Major Gen. Debold Sinas, malaking tulong ang ginagawa nilang pagtutok sa mga kriminal at mga gumagamit ng iligal na droga upang tuluyan ng matuldukan ang problema ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Sa ngayon ay hawak na ng mga otoridad ang mga suspek na sina Patrick Ace Tiñga, 24; Tom Jovy Cruz, 30; Charles, 17; Juan, 17; Elmer Bautista, 34; Winston Ray Lopez, 20; Jessie Aviles, 24; Jomari Lopez, 19; Chris Klein Lopena, 19; Adrian Dela Cruz, 22; John Paul Esteban, 26; at John Christian Roxas, 34, lahat ay residente ng Barangay Ususan, Taguig City.
Sila ay nahaharap sa kasong illegal possession of dangerous drugs under Section 11 of Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, bukod sa naturang operasyon, ipinagmalaki rin ni Sinas ang pagkaka-aresto sa Top 1 Most Wanted Person ng NCRPO .