Maisasakatuparan pa rin ang pagkakaroon ng ₱20 kada kilo ng bigas sa bansa.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panayam ng media sa isang event sa Zamboanga City.
Ayon sa presidente, kung magpapatuloy ang pagganda ng sitwasyon ng sektor ng agrikultura at cost of production ay maaabot ang target na ₱20 kada kilo ng bigas.
Gayundin kung hindi masyadong makakaranas ng bagyo at patuloy na makapagbibigay ng tulong sa mga magsasaka.
Paliwanag ng pangulo, ang mga dahilang ito ang humaharang kaya hindi mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang presyo ng bigas.
Sa ngayon, iginiit ng pangulo na ginagawa ng gobyerno ang lahat paraan para matiyak na abot kaya pa rin ang presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Isa aniya sa mga paraan ay ang pagtatalaga ng National Food Authority Council ng bagong price range sa pagbibili ng palay na mula sa ₱16 hangganga ₱19 kada kilo ng tuyong palay ay gagawin itong ₱19 hanggang ₱23 kada kilo.