₱203-B na utang sa buwis ng mga Marcos, pinuntirya ng ilang presidentiables

Photo Courtesy: COMELEC

Pinuntirya ng ilang presidential candidate ang ₱203 billion na utang sa buwis ng mga Marcos, sa gitna ng labis na pangangailangan ng bansa ng pera para pondohan ang subsidiya para sa mga magsasaka at tsuper.

Sa debateng inorganisa ng Comelec kagabi, Marso 19, tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na sisingilin niya ang bilyun-bilyong utang sa buwis ng pamilya Marcos at nangakong ibibigay ito sa mga magsasaka at PUV drivers bilang ayuda.

Dagdag pa ng alkalde, ang utang sa buwis ng pamilya Marcos ay sapat na para mapunan ang posibleng pagkalugi ng gobyerno kung aalisin ang fuel excise tax.


“Kung masisingil ko ‘yung ₱203 billion na estate tax sa isang pamilya at ia-atras ko ang buwis ng krudo at kuryente at 50%, we are going to lose ₱65 billion,” ani Moreno.

“Now, meron pa ako ₱203 billion, minus ₱65, marami pa akong, daang-daang bilyon pa ang pwede nating maibigay sa tao. It’s a matter of management- fiscal management lamang at certainty of law,” dagdag pa niya.

Ipinunto naman ni Senator Panfilo Lacson na ang ₱203 bilyong hindi nakolektang buwis mula sa mga Marcos ay napakalaki kumpara sa mga buwis na nakolekta ng pamahalaan mula sa TRAIN 1, TRAIN 2 na nasa P101 billion lamang.

“E, mayroong ₱203 billion nga na sisingilin na lang, nandiyan na bakit ayaw singilin ng BIR,” dagdag niya.

Sabi naman ni Vice President Leni Robredo, tinutulan ng economic managers ang suspension ng fuel excise tax sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo dahil nasasayangan sila sa pwedeng kitain dito.

Pero kung masisingil aniya ang bilyun-bilyong utang ng pamilya Marcos ay hindi na kailangan pang tipirin ang mga Pilipino.

Sa panayam pagkatapos ng debate, sinabi pa ni Robredo na ipinapakita lamang ng isyu sa excise tax na hindi kwalipikadong maging pangulo ng bansa si Marcos.

“It says a lot about the kind of person that he is, how unqualified he is for the presidency. Kasi na-imagine mo ba na somebody aspiring to be president e napakalaki ng utang sa pamahalaan,” saad niya.

Suportado rin ni Ka Leody de Guzman ang pag-alis sa excise tax sa halip ay itinulak ang pagpapataw ng buwis sa mga mayayaman.

“Sangayon din ako na kailangan nating kunin ang ₱203 billion dito,” ani De Guzman.

Samantala, matatandaan sinabi ng kampo ni Bongbong Marcos na nasa ilalim pa rin ng paglilitis ang mga piraso ng ari-ariang sangkot sa estate tax.

Iginiit din ni Marcos na maraming fake news hinggil sa mga isyung may kinalaman sa ill-gotten wealth ng kanilang pamilya.

“There’s a lot of fake news involved there, let’s leave it to the lawyers to discuss it because the so-called facts that they quote are not facts at all.”

“They are just presumptions, they are not familiar with the cases or they choose not to be familiar with the case so yeah, it’s in the courts,” saad ni Marcos.

Facebook Comments