Labing anim na civilian informants ang tumanggap ng nasa P3.5 million na cash reward mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isinagawang seremonya sa PDEA National Headquarters sa Quezon City, pinangunahan ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang pagkakaloob ng cash rewards.
Kabilang sa mga tumanggap ng cash reward ay itinago sa mga codename na George, Quarang, Dambo, Hagibis, Hapon, Johnny, Panda, Pantalan, Alvin, Kobid-19, Pogi, Chuckie, Summer, Tukil, Mambo at Je.
Si alyas “Pantalan” ang nakatanggap ng pinakamalaking cash reward na mahigit na P722,000 dahil sa ibinigay niyang impormasyon sa PDEA Regional Office VII Seaport Interdiction Unit na nagresulta sa pagkasabat ng mahigit 12 thousand grams ng shabu sa isang buy-bust operation sa isang warehouse sa Barangay Bakilid, Mandaue City noong August 15, 2020.
Habang ang pinakamababang cash reward na mahigit P26,000 ay ibinigay kay “Kobid-19” dahil sa naitulong nito sa pagkakumpiska ng 500.10 grams ng shabu mula sa natimbog na tatlong drug personalities habang nasa isang buy-bust operation sa Gonzalo Puyat Street, Quiapo, Manila noong August 25, 2020.