Aabot sa ₱4.867 billion ang maaaring maidagdag sa annual revenue ng bansa sa oras na maging ganap na batas ang panukala na nagpapataw ng excise tax sa single-use plastic.
Ito ay matapos na makalusot sa House Ways and Means Committee ang panukalang batas na magpapataw ng ₱20 excise tax sa kada kilo ng single-use plastic bags.
Ayon kay Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, dagdag na ₱2.509 billion na kita mula sa plastic sando at shopping bags at ₱2.358 billion mula sa plastic labo bags o mga plastic bags na karaniwang ginagamit sa mga palengke o wet markets.
Ang pagpapatibay sa panukala ay batay na rin sa universal consensus kaugnay sa masamang epekto ng single-use plastic sa kalusugan at kapaligiran.
Ang kita naman na malilikom mula sa paggamit ng single-use plastic ay ilalaan sa mga programa ng National Solid Waste Management.
Tinukoy naman ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, pangunahing may-akda ng panukala, sa kabila ng mga batas tulad ng Ecological Solid Waste Management Act (Republic Act 9003), nananatili pa rin ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming plastic bag waste na napupunta at naitatapon sa karagatan.