
Nasamsam ang tinatayang ₱40,800 halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang 34-anyos na magsasaka sa isinagawang search warrant operation sa Bolinao, Pangasinan, madaling araw ng Marso 18, 2026.
Kinilala ang suspek bilang isang lalaki, residente ng nasabing bayan.
Isinagawa ng mga tauhan ng Bolinao Police Station ang operasyon sa koordinasyon sa PDEA-RO1.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 6 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa pitong piraso ng plastic sachet, anim na piraso ng maliit na heat-sealed straw, at isang maliit na plastic bag na may laman ding hinihinalang shabu.
Bukod dito, narekober din ang ilang non-drug evidence kabilang ang mga glass tube na nakabalot sa masking tape, pouch, aluminum foil, weighing scale, belt bag, lighter, at cellphone.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga ebidensya sa mismong lugar sa presensya ng suspek at mga itinakdang saksi.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bolinao Municipal Police Station ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










