Tuesday, March 17, 2026

₱5K ayuda sa drivers, isusunod na sa mga probinsya matapos ang Holy Week

Ilalarga na ng pamahalaan sa mga probinsya ang ₱5,000 ayuda para sa mga driver matapos ang Holy Week.

Ayon kay Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, inuuna ang mga tricycle driver ngayong linggo at tinatapos muna ang pamamahagi sa Metro Manila.

Sa susunod na linggo, aarangkada na rin ang pay-out para sa mga jeepney at Transportation Network Vehicle Services (TNVS) drivers.

Kapag nakumpleto na sa National Capital Region (NCR), tuloy-tuloy nang dadalhin ang ayuda sa iba’t ibang probinsya sa buong bansa.

Giit ni Gatchalian, ang ₱5,000 tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ay hindi lang isang beses at posibleng masundan pa ito depende sa galaw ng presyo ng langis at sitwasyon sa Middle East.

Bukod sa cash aid, may hiwalay pang fuel subsidy na ipatutupad ang Department of Transportation (DOTr) para sa mga driver.

Facebook Comments