₱748K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA DALAWANG LALAKI SA LABRADOR

Nasamsam ng kapulisan ang tinatayang ₱748,000 halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang dalawang lalaki sa isinagawang anti-illegal drug operation sa bayan ng Labrador, Pangasinan.

Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU) bilang lead unit, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Kinilala ang mga naaresto bilang isang 43-anyos na bus driver at residente ng Labrador, at isang 38-anyos na dating empleyado ng gobyerno na residente naman ng Lingayen.

Narekober mula sa mga suspek ang tatlong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 110 gramo, buy-bust at boodle money, cellphone, dalawang pitaka na ginamit umanong lalagyan ng droga, at dalawang motorsiklo.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang mga suspek sa pagamutan para sa medical at physical examination bago isinailalim sa forensic examination ang mga nakumpiskang ebidensya sa Urdaneta City Satellite Forensic Office.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Labrador Police Station ang mga naarestong indibidwal habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments