Inilaan ng pamahalaang bayan ng Mangaldan ang kabuuang ₱12.3 milyon bilang pondo para sa edukasyon ngayong taon sa ilalim ng Special Education Fund (SEF), ayon sa inaprubahang plano ng Local School Board (LSB).
Mula sa kabuuang badyet na nagmula sa koleksyon ng Real Property Tax (RPT), malaking bahagi o humigit-kumulang ₱8.84 milyon ang inilaan para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng mga gusali ng pampublikong paaralan sa bayan.
Kabilang dito ang pagpapatayo ng silid-aralang gusali sa Mangaldan Integrated School SPED Center at isang bagong comfort room para sa science laboratory ng Mangaldan Central School.
Tinalakay din ng LSB ang mahahalagang usapin sa auditing, partikular ang wastong pagli-liquidate ng mga pondong ipinagkaloob sa mga paaralan.
Bukod dito, pinag-usapan din ang planong pagbili ng isang municipal coaster upang magsilbing transportasyon ng mga mag-aaral at guro na kumakatawan sa Mangaldan sa mga kompetisyong pang-akademiko at pampalakasan sa labas ng bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










