Sang-ayon sa kampanya laban sa korapsyon, pinapa-imbestigahan ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang pag-utang ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ng ₱9.5 billion na ginugol sa itinayong sports facilities sa New Clark City na ginamit sa 2019 South East Asian Games.
Ayon kay Hontiveros, nagkaroon umano ng kuntsabahan sa funding ng proyekto na idinaan sa “lutong” Joint Venture Agreement sa pagitan ng BCDA at Malaysian developer na MTD Capital Berhad kaya walang public bidding na nangyari.
Paliwanag ni Hontiveros, base sa kasunduan ay dapat mag-advance ang MTD ng ₱8.5 billion pero hindi ito nangyari at sa halip ay inutang ang pondo sa government-owned na Development Bank of the Philippines (DBP).
Kaya maliban aniya sa construction cost ay walang inambag o binuhos na pera ang MTD, dahil kinuha sa bulsa ng taumbayan ang pambayad sa inutang na kapital nitong pribadong developer.
Giit ni Hontiveros, hindi ito pwedeng palampasin dahil ang bilyon-bilyong pisong ginastos ay nagagamit sana panlaban sa COVID o kaya ay ayuda para sa biktima ng Bagyong Rolly at iba pang kalamidad.