
Cauayan City – Ilulunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Dalton Pass East Alignment Road Project na nagkakahalaga ng P67.4B upang mabawasan ang hirap sa biyahe ng mga motorista sa Hilagang Luzon.
Ang proyekto ay isang 23-kilometro kung saan apat na linya ng kalsada ang magsisilbing alternatibong ruta sa disaster-prone na Dalton Pass highway na nag-uugnay sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija.
Layunin nitong paikliin ang oras ng biyahe at maiwasan ang mga panganib na dulot ng landslide at masamang panahon sa daan.
Ayon kay DPWH Project Manager Engr. Nelson Tabile Graza, target na matapos ang proyekto sa taong 2031. Popondohan ito sa pamamagitan ng national government loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng 6.121 kilometers twin-tube tunnels, na binubuo ng 4.516 kilometers northern tunnel at 1.605-kilometera southern tunnel.
Kapag natapos, ito ang inaasahang magiging pinakamahabang road tunnel sa Pilipinas.
Kasama rin ang konstruksyon ng 10 tulay na may kabuuang haba na 5.828 kilometers, slope protection works, at mga highway section na dadaan sa mga bayan ng Aritao at Santa Fe sa Nueva Vizcaya, at Carranglan sa Nueva Ecija.
Binigyang-diin ng mga opisyal ng lalawigan ang kahalagahan ng masusing konsultasyon sa mga Indigenous Cultural Communities, partikular sa mga grupong Kalanguya, upang matiyak na nirerespeto ang kanilang karapatan at kabuhayan.
Sa kabila nito, inaasahan ng pamahalaan na malaki ang maitutulong ng proyekto sa pagpapalakas ng agrikultura, pagpapabilis ng daloy ng produkto sa mga pamilihan, at pagpapalago ng turismo hindi lamang sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija kundi sa buong Cagayan Valley.
Source: Turismo Central Luzon
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










