Cauayan City, Isabela- Puspusan ang ginagawang pagsasanay ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) para sa mga Validators na magiging kaagapay ng ahensya sa patuloy implementasyon ng Validation and Finalization phase ng Listahanan project.
Nilalayon ng NHTS na ihanda ang mga Validators sa isasagawa nitong assessment o reassessment sa mga sambahayan na nag-apela ng kanilang hinaing na sila ay dapat mapabilang sa poverty database ng DSWD.
Isasailalim din sa assessment ang mga sambahayang dumulog sa Listahanan community desk at website na hindi nainterbyu ng Listahanan enumerators noong regular assessment, lumipat ng kanilang tirahan, at mga sambahayang nireklamo na hindi karapat-dapat na mapabilang sa inisyal na listahan.
Paglilinaw ng ahensya, tanging ang mga sambahayang nanghain ng kanilang apela at pumasa sa review at evaluation ng Barangay Verification Team (BVT) at Local Verification Committee (LVC) ang nakatakdang sasailalim sa assessment.
Gamit ang Grievance Evaluation Form ay objektibong nirebyu ng BVT at LVC ang grievances na natanggap ng Area Supervisors kung ito ay valid o may merit.
Pinaalalahanan naman ni Regional Director Fernando R. De Villa Jr., CESO III ang mga kalahok na gawing prayoridad pa din ang kaligtasan laban sa banta ng COVID-19 pandemic.
Inaasahang mailalabas ang pinal na listahanan ng pamilyang mahihirap sa unang quarter ng 2021.