Mula sa 536 na bilao noong nakaraan taon, umabot ng 564 na bilao ng kakanin ang pinagsaluhan ng mga bisita at mamamayan ng Asingan sa pagdiriwang ng Kankanen Festival 2024.
Ang ‘kankanen’ ay salitang Ilokano na nangangahulugang kakanin o delicacy na gawa sa malagkit.
Ayon kay Asingan Mayor Carlos Lopez Jr., nakiisa sa naturang okasyon ang 21 barangays at departamento tampok ang iba’t-ibang luto ng kakanin. Kinagiliwan ng mga bisita ang kakaibang flavor ng inkiwar o biko sa strawberry flavor, bikong chocolate with marshmallows, mangga, at biko na may itlog maalat.
Pag-amin ng Asinganian OFW and Family Organization, inabot sila ng madaling araw sa paghahanda ng sampung bilao ng kakanin.
Dagdag ng lokal ng pamahalaan ng Asingan, isang agricultural community ang bayan at karamihan ay bahagi ng rice planting sector. Ang Kankanen Festival ay pasasalamat sa biyayang agrikultura ng bayan at paraan upang isulong ang turismo ng Asingan.
Pagbabahagi ng Public Information Officer ng Asingan na si Rommel Aguilar, target na maabot ng bayan na gumawa ng world record para sa pinakamahabang linya ng kakanin sa susunod na taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨