Friday, January 30, 2026

𝗔𝗡𝗜𝗠 𝗡𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔, 𝗠𝗔𝗞𝗜𝗞𝗜𝗡𝗔𝗕𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗗𝗦𝗪𝗗 𝗖𝗢𝗠𝗠𝗨𝗡𝗜𝗧𝗬 𝗥𝗘𝗦𝗜𝗟𝗜𝗘𝗡𝗖𝗘 𝗣𝗥𝗢𝗝𝗘𝗖𝗧

Cauayan City – Anim na bayan sa lalawigan ng Isabela ang napiling makinabang sa Philippine Community Resilience Project (PCRP), isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 02 na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga komunidad sa pagtugon sa sakuna, batay sa antas ng kahirapan.

Ayon kay DSWD Regional Director Lucia Suyu-Alan kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, kabilang sa mga napiling bayan ang mga baybaying-dagat na Maconacon, Divilacan, Palanan, at Dinapigue, pati na rin ang Santa Maria at San Pablo.

Gagamitin sa proyekto ang community-driven development approach kung saan ang mga mamamayan, lalo na ang mga pinaka-nasa panganib at marginalized, ang magsasabi ng kanilang pangangailangan at prayoridad.

Ayon sa DSWD, makakatanggap ang Santa Maria ng P70 milyon na pondo mula sa Phippine Community Resilience Project, habang ang iba pang mga bayan ay makatatanggap ng tig-P50 milyon.

Makikipagtulungan din ang mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng counterpart funds at aktibong partisipasyon sa pagpaplano at pagdedesisyon upang matugunan ang prayoridad na pangangailangan ng kanilang komunidad.

Nagpahayag naman ng suporta si Sangguniang Panlalawigan Member Hon. Angelica Reyes, na kumakatawan kay Gobernador Rodito T. Albano, sa proyekto na naglalayong palakasin ang mga barangay, bigyang kapangyarihan ang komunidad, at bumuo ng resiliency mula sa grassroots level.

Source and Photo Courtesy: Isabela Pio

Facebook Comments