
Cauayan City – Idineklarang “case closed” na ng pulisya ang karumal-dumal na pagpatay at pagsunog sa isang 19-anyos na estudyante mula Maddiangat, Quezon, Nueva Vizcaya matapos pormal na masampahan ng kasong murder ang pangunahing suspek noong February 16.
Ayon kay Police Colonel Paul Bometivo, sapat ang ebidensiyang nakalap laban sa 33-anyos na suspek, kapitbahay ng biktima, kaya naisampa na ang kaso sa piskalya at maituturing nang lutas ang krimen.
Batay sa imbestigasyon, huling nakitang kasama ng biktima ang suspek noong February 10 nang isakay niya ito sa kanyang sasakyan.
Hindi na nakauwi ang estudyante hanggang matagpuan ang sunog nitong bangkay sa isang liblib na lugar sa kanilang barangay sa Quezon.
Lumabas din sa forensic examination na may nakuhang dugo at hibla ng buhok sa bahay sa Bayombong kung saan umano unang dinala ang biktima, gayundin sa loob ng sasakyan ng suspek.
Kaugnay ito, mismong ama ng suspek ang nagkusang tumawag sa pulisya upang ipasuko ang kanyang anak matapos itong maituring na person-of-interest. Iginiit ng ama na hindi niya kinukunsinti ang maling ginawa ng anak at handa itong managot sa batas.
Samantala, patuloy ang pagluluksa ng pamilya ng biktima, lalo’t ang nasawi ang tumatayong katuwang sa pag-aalaga sa kanyang amang may malubhang karamdaman.
Dumalaw naman at nagpaabot ng pakikiramay sina Governor Jose Gambito at Cong. Timothy Joseph Cayton, kalakip ang tulong pinansiyal.
Nangako rin ang gobernador ng scholarship para sa isa pang anak ng pamilya upang makatulong sa kanilang pagbangon matapos ang trahedya.
Source and Photo Courtesy: DWRV
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










