𝗕𝗔𝗚𝗢𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗦𝗘𝗡𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗚𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡 𝗕𝗥𝗜𝗗𝗚𝗘, 𝗜𝗣𝗥𝗜𝗡𝗘𝗦𝗜𝗡𝗧𝗔 𝗡𝗚 𝗗𝗣𝗪𝗛 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝟮



Cauayan City — Ipinakita ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region II ang panibagong plano at disenyo ng itatayong Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala sa harap nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DPWH Secretary Vince Dizon sa kanilang pagbisita sa kasalukuyang detour bridge na nagsisilbing alternatibong daanan matapos bumagsak ang dating tulay.

Ayon kay DPWH Assistant Regional Director Ronalyn Ubiña, ang bagong tulay ay isang permanenteng estruktura na may tinatayang halaga na ₱180 milyon-M, may habang 85 metro, at kayang magdala ng hanggang 40 toneladang kargamento.

Inaasahan naman na aabot sa mahigit siyam na buwan o 280 calendar days ang itatagal ng konstruksiyon ng proyekto sa sandaling masimulan ito.

Inihayag din ni Ubiña na may nakalaang ₱44.1-M na pondo sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) 2026 na orihinal na inilaan para sa rehabilitasyon ng bumagsak na tulay.

Gayunman, hihilingin ng DPWH sa pamunuan ng ahensya at sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagbabago sa paggamit ng nasabing pondo upang mailipat ito sa pagtatayo ng bagong tulay at maiwasan ang hindi epektibong paggastos.

Umaasa ang DPWH Region II na sa sandaling maaprubahan ang hinihiling na modification sa alokasyon ng pondo ay agad nang masisimulan ang konstruksiyon ng bagong Piggatan Bridge na inaasahang magpapahusay sa kaligtasan at daloy ng transportasyon sa lugar.

SOURCE. CAGAYAN PIO

Facebook Comments