Cauayan City – Palutang-lutang sa sapa at wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang matandang lalaki sa Zone 1, Research, Brgy. Minante 1, Cauayan City.
Kinilala ang nasawi na si Macario Faelmoca, walumpu’t-apat na taong gulang, at residente ng naturang barangay.
Batay sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, bandang alas tres ng hapon noong ika-9 ng Mayo ng matagpuan ng isang residente ang palutang-lutang na katawan ng biktima sa sapa kaya’t kaagad itong humingi ng saklolo sa iba pang residente at sa kapitan ng Barangay.
Sa ginawang pagsusuri ng mga awtoridad sa katawan ng biktima, wala namang nakitang anumang galos sa katawan nito at wala ring senyales ng foul play sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, kumbinsido rin ang pamilya na maaaring nahulog at nalunod ito sapa na siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan.