CAUAYAN CITY – Nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente ang isang post sa facebook na nagsasabing may nakatanim na bomba sa Capitol Gymnasium ng Quirino at nagbigay din ito ng oras kung kailan umano ito sasabog.
Batay sa post, mababasang sinabi ng user account na lahat ng papasok sa nasabing gymnasium pagsapit ng alas-onse ng umaga ay kasamang sasabog ng mga bomba.
Dahil dito, kaagad na nagsagawa ng operasyon ang PNP Cabarroguis upang matunton ang nasa likod ng nasabing post na may username na Irene Gerardo Tabago.
Makalipas ang ilang oras, natunton si Ginang Irene sa Purok 5, San Marcos ng nabanggit na bayan at dito napag-alamang, facebook account niya nga iyon ngunit matagal na umano nitong hindi nabubuksan sapagkat ito ay nahacked.
Kaugnay nito, mahigpit naman na nagpapaalala sa publiko ang PNP na ang pagpo-post ng bomb joke o bomb threat ay may kaakibat na parusa na maaaring humantong sa pagkakakulong.
Gayunman, sakaling magkaroon ng ganitong insidente ay inabisuhan ang lahat na manatiling kalmado at kaagad na tumawag sa PNP hotline para sa agarang aksyon.