Thursday, January 29, 2026

𝗕π—₯π—œπ——π—šπ—˜ π—–π—’π—‘π—‘π—˜π—–π—§π—’π—₯ π—‘π—š π—–π—”π—•π—”π—šπ—”π—‘-𝗦𝗧𝗔. 𝗠𝗔π—₯π—œπ—” 𝗕π—₯π—œπ——π—šπ—˜, 𝗧𝗔π—₯π—šπ—˜π—§ 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗒𝗦 𝗦𝗔 π—Ÿπ—’π—’π—• π—‘π—š 𝟲𝟬 𝗑𝗔 𝗔π—₯𝗔π—ͺ

Cauayan CityΒ  β€” Walang patid ang isinasagawang konstruksyon sa bridge connector ng Cabagan–Santa Maria Bridge bilang tugon sa direktiba na agarang ayusin ang nasirang tulay.
Β 
Ang nasirang tulay ay nagresulta ng pagkaantala sa kabuhayan ng mga residente at sa paghahatid ng mga serbisyong pampubliko sa lugar.
Β 
Upang agad na matugunan ang hinaing ng mga apektadong residente, ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang agarang pagtatayo ng pansamantalang steel bridge na magsisilbing bridge connector, na target na matatapos sa loob ng 60 araw.
Β 
Ayon sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad, umabot na sa 36.13% ang antas ng accomplishment ng proyekto sa ika-22 araw mula nang opisyal itong simulan noong ika-5 ng Enero, 2026.
Β 
Patuloy ang pagtatrabaho ng mga construction team upang matiyak na matatapos ang proyekto sa itinakdang panahon upang maibalik ang normal na daloy ng trapiko, mapadali ang pagbiyahe ng mga residente, at mapabilis ang transportasyon ng mga produkto at serbisyong mahalaga sa ekonomiya ng mga karatig-lugar.
Β 
Tiniyak naman ng mga DPWH na mahigpit nilang binabantayan ang kalidad at kaligtasan ng konstruksyon upang masiguro ang maayos at ligtas na paggamit ng tulay sa sandaling ito’y mabuksan sa publiko.
Β 
Source. DPWH REGION 2
Β 
—————————————
β€Ž
β€ŽPara sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
β€Ž
β€Ž#985ifmcauayan
β€Ž#idol
β€Ž#numberone
β€Ž#ifmnewscauayan
Facebook Comments