
Cauayan City – Patuloy na gumugulong ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng lalaking bumaril-patay sa isang therapist na isa ring negosyante sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, nangyari ang pamamaril sa biktimang si “Angel”, 43-anyos, noong Sabado, ika-24 ng Enero sa mismong harap ng kanyang apartment sa nabanggit na lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na bigla na lamang umanong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin ng biktima noong pasakay na sana ito sa kanyang sasakyan. Tinamaan ang biktima ng dalawang beses sa kanyang ulo at isa sa kamay.
Sinubukan pa itong dalhin sa pagamutan subalit sa kasamaang palad, hindi ito nakaligtas sa kamatayan.
Matapos ang pamamaril,kaagad na tumakas ang suspek paalis sa pinangyarihan ng insidente dala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril na siyang ginamit sa krimen.
Samantala, hindi naman umano tumitigil ang kapulisan sa pagtugis sa suspek upang mabigyan ng hustisya ang karumal-dumal na pagkasawi ng biktima.
———————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










