CAUAYAN CITY – Nilinaw ng kasalukuyang Ama ng Lalawigan ng Cagayan na si Hon. Manuel Mamba sa isang statement na siya pa rin ang Gobernador ng probinsya.
Ito’y matapos ang inilabas na resolusyon ng First Division ng Commission on Elections na nagdi-diskwalipika kay Cagayan Governor Manuel Mamba sa posisyong Governor noong May 2022 National and Local Elections (NLE).
Ang naghain ng disqualification case ay si Atty. Victorio Casuay.
Tinanggap ito ng komisyon matapos umanong mapatunayan na lumabag ito sa Sections 2 at 13 ng Comelec Resolution No. 10747, na may kaugnayan sa Section 261 (v) ng Omnibus Election Code na tumutukoy sa pagbabawal sa paglalabas ng pondo ng gobyerno sa panahon ng eleksyon.
Samantala, sakabila nito, kaagad naman na naghain ng Motion for Reconsideration o MR sa Comelec En Banc si Gov. Mamba upang i-apela ang disqualification order ng 1st Division.
Dagdag pa dito, sinabi ng kampo ni Mamba na mananatili itong Gobernador hangga’t wala pang inilalabas na pinal na desisyon.
Siniguro din ni Mamba na kanyang haharapin ang lahat ng kasong inihain laban sa kanya.