Cauayan City – Patuloy pa rin ang ginagawang pag-aalaga at pagpapayabong sa mga pananim ng Communal Garden sa Brgy. San Francisco, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Brgy. Kagawad Jomar Lejano, isa ang Communal Garden ng barangay sa kanilang tinututukang proyekto.
Aniya, malaking tulong kasi ang naturang garden hindi lamang sa mga residente kundi pati na rin sakanila dahil dito sila madalas kumukuha ng pang ulam lalo na tuwing may bisita.
Dahil dito, napagpasyahan nilang magtayo na rin ng Communal Garden sa bawat purok sa kanilang nasasakupan upang mas magbenepisyo ang mga residente.
Makatutulong umano ang proyektong ito hindi lamang dahil mapagkukunan ito ng pagkain kundi isa rin itong paraan upang magkaroon ng interaksyon at pagtutulungan ang mga residente sa kanilang lugar.
Sa kanilang Communal Garden tampok ang iba’t-ibang klase ng mga gulay at bukas ito sa lahat ng gustong manguha para sa kanilang makakain.