CAUAYAN CITY – Isinisulong ngayon ni Cagayan 3rd District Representative Cong. Joseph Lara na silipin at imbestigahan ang hinihinalang pag-ooperate ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa Cagayan.
Ito ay iminungkahi ni Cong. Lara sa naganap na joint meeting ng Committee on Public Order and Safety at Committee on Games and Amusement hinggil sa paglaganap umano ng iligal na gawain na may kaugnayan sa POGO.
Hiniling din nito ang angkop na paliwanag mula sa Cagayan Economic Zone Authority o CEZA na nadawit sa pagkakaroon umano ng POGO malapit sa EDCA sites ng lalawigan.
Ayon naman sa PAGCOR, walang ni-isang ipinagkaloob na lisensya sa IGL o Internet Gaming Licensees na mag-operate sa tabi o loob ng EDCA sites sa lalawigan.
Ayon naman kay Presidential Anti-Organized Crime Commission Winston John Casio, sinang-ayunan nito na wala ngang inisyu ang PAGCOR na lisensya sa anumang IGL o POGO sa CEZA, gayunman, batay sa imbestigasyon ng Security and Exchange Commission o SEC, nakakita sila ng 10 hanggang 17 nito sa economic zone.
Sinabi pa ni Lara na kailangang sumagot sa panawagang ito ang CEZA upang mabigyang linaw ang mga katanungan kung ang ibinigay na lisensya ay tulad ng sa POGO at posibleng pinalitan lamang ng pangalan.