Tuesday, February 24, 2026

𝗗𝗔𝗚𝗗𝗔𝗚 𝗚𝗔𝗥𝗕𝗔𝗚𝗘 𝗖𝗢𝗟𝗟𝗘𝗖𝗧𝗢𝗥 𝗔𝗧 𝗦𝗧𝗥𝗘𝗘𝗧 𝗦𝗪𝗘𝗘𝗣𝗘𝗥𝗦, 𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗧𝗨𝗣𝗔𝗗 𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗧𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗡 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗦𝗨𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗚𝗬. 𝗦𝗔𝗡 𝗙𝗘𝗥𝗠𝗜𝗡

Cauayan City – Nagdagdag ng garbage collector at street sweepers ang barangay san fermin upang masolusyunan ang patuloy na problema sa mga basura sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Ginoong Lucas Niño, Barangay Kagawad ng San Fermin, layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kalinisan sa mga lansangan at maiwasan ang pagdami ng tambak na basura lalo na sa mga gilid ng kalsada.

Inihayag din ng opisyal na hindi lamang mga residente ang sangkot sa ilegal na pagtatapon ng basura kundi maging ang ilang indibidwal mula sa karatig-barangay at bayan.

Aniya, may mga pagkakataon na madaling araw kung magtapon ang ilan upang hindi makita o mahuli.

May mga nasampolan na rin umano na ilegal na nagtapon ng mga balat ng buko sa kanilang lugar.

Binigyang-diin ni Kagawad Lucas na nasa tao ang disiplina pagdating sa tamang pagtatapon ng basura.

Kaugnay nito, ipinatutupad ang kaukulang multa laban sa mga mahuhuling lumalabag, ₱1,000 para sa unang paglabag, ₱2,000 sa ikalawang paglabag, at ₱3,000 at maghapong community service para sa ikatlong paglabag.

Naipaabot na rin sa konseho ang usapin at isinailalim na sa committee hearing upang higit pang mapalakas ang ordinansa laban sa hindi tamang pagtatapon ng basura.
————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments