Nararanasan ngayon sa bayan ng Villasis ang mataas na presyo ng karne ng manok kung saan matumal ang kanilang bentahan ngayon.
Sa naging panayam ng IFM News Dagupan sa ilang mga nagtitinda ng karne ng manok sa nasabing bayan gaya na lamang ni Vangie Magtael, tumaas ang kanilang bentahan ngayon dahil sa nararanasang malamig na panahon kung saan nasa ₱200-₱220 pesos ang kada kilo ngayon ng karne ng manok.
Paliwanag umano ng mga nag-aalaga ng mga manok sa poultry ay dahil sa malamig na panahon hindi halos lumalaki ang manok kaya’t nagkakaroon ng kaunting suplay dahil hindi pa pwedeng katayin ang mga ito dahil kulang pa sa laki.
Aniya pa, medyo mataas ang presyuhan ngayon dahil nanggaling pa sa ibang lugar ang mga suplay ng manok.
Kung galing pa aniya sa malayong lugar, mas mataas ang ipapatong ng mga supplier bagay na kanilang sinusundan dahil kung hindi anila tataasan o papatungan wala na silang tutubuin.
Samantala, base sa pinakahuling update ng Department of Agriculture Ilocos Region nitong ika-22-26 ng Enero 2024, ang farm gate price ngayon ng karne ng manok ay nananatili pa rin ₱200 ang kada kilo.
Nananawagan naman ang mga tinderang gay ani Vangie na tiis-tiis muna sa mataas na presyuhan ngayon ng karne ng manok. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨