
Cauayan City – Arestado ang dalawang lalaki matapos mahuli sa aktong ilegal na pagputol ng puno sa Purok 6, Barangay Calanigan Sur, Sto. Tomas, Isabela.
Kinilala ang mga suspek bilang alyas “Juan” at alyas “Pedro”, kapwa may asawa at residente ng Purok 1, Barangay Bubug, Sto. Tomas, Isabela.
Nahuli ang dalawa habang ilegal na pinuputol ang mga lumang uprooted na puno, isang gawaing mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na batas sa pangangalaga ng kagubatan.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng intelligence-driven at anti-criminality operation ang mga operatiba ng Sto. Tomas Police Station nang mamataan ang aktibidad ng mga suspek.
Agad na ikinasa ang operasyon na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at pagkakakumpiska ng mga kagamitang ginamit sa ilegal na gawain.
Nakumpiska mula kay alyas “Juan” ang limang piraso ng pinutol na lumang Gmelina na may tinatayang 25.2 board feet, isang bilugang troso ng lumang neem tree na may humigit-kumulang 31.96 board feet, at isang chainsaw habang nakuha rin mula kay alyas “Pedro” ang isang chainsaw at firewood na may sukat na 0.175 talaksan.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Sto. Tomas Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa wastong scaling ng mga kahoy at paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Samantala, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act No. 9175.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










