Cauayan City – Nagbunga ang tiyaga at paghihirap ng isang dating kasambahay matapos nitong pumasa sa Licensure Examination for Teachers nitong Mayo 24, 2024.
Sa kwentong ibinahagi sa IFM News Team ni Divine Grace Navarro tubong Delfin Albano, dahil sa hirap ng buhay, habang nag-aaral ay namasukan ito bilang kasambahay upang may pantustos hanggang sa siya ay makapagtapos ng kolehiyo.
Ulila na ito sa ina habang ang kanyang ama naman ay isang magsasaka kaya’t bagama’t hirap at kapos sa pera, iginapang nito ang kanyang gastusin para lamang makapag review para sa naturang board exam.
Dahil sa kanyang dedikasyon at kagustuhan na makamit ang kanyang pangarap, nagbunga ang lahat ng kanyang pagod at hirap matapos mapabilang sa listahan ng mga nakapasa sa Licensure Examination for Teachers 2024.
Labis naman nitong pinasalamatan ang lahat ng taong tumulong sa kanya at nagpapaala na basta’t may tiyaga at pagpupursige, hindi imposibleng makamit ang kanilang mga pangarap.