
Cauayan City – Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad ng hydro-forestry bilang isa sa mga pangunahing hakbang sa pangangalaga ng kalikasan, kung saan mas bibigyang-diin ang pagtatanim ng mga puno at halaman kapalit ng tradisyunal na agricultural cropping.
Ayon sa ahensya, ito ang unang yugto ng programang isasagawa katuwang ang Local Government Unit (LGU) ng Cagayan.
Kasabay nito, pinaigting din ng DENR ang mahigpit na pagpapatupad ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa mga establisyimentong nakakatanggap ng maraming reklamo.
Sa pahayag ni Atty. Ismael Manaligod, Regional Executive Director ng DENR Region 2, lalo silang maghihigpit sa mga lugar na sakop ng forest land, tabing-dagat, at tabing-ilog, kung saan masusing sinusuri ang pagsunod sa itinakdang terms and conditions.
Unang tinitingnan ng DENR kung may isinagawang environmental assessment ang isang proyekto. Kapag wala, agad nilang pinatitigil o ipinasasara ang operasyon.
Ikalawa, sinusuri kung may ECC ang establisyimento at kung sumusunod ito sa tamang kondisyon. Nilinaw ng ahensya na ang ECC ay hindi permit kundi isang planning tool upang matiyak ang pangangalaga sa kapaligiran.
Sa usapin naman ng pamamahala, may direktiba ang Kalihim ng DENR na gawing mas transparent ang mga transaksyon sa pamamagitan ng digital at online systems.
Layunin nitong alisin ang face-to-face na proseso at hikayatin ang online payment kung maaari, upang mapabilis at maging malinaw ang mga serbisyo ng ahensya.
Ayon sa DENR, may mga programang nasimulan na at lalo pang paiigtingin ngayong unang semestre ng taon upang mailapit ang serbisyo sa publiko, lalo na sa mga nagmumula sa malalayong lugar.
Binigyang-diin din ng ahensya na sa pamamagitan ng digitalization, masusubaybayan ang haba ng bawat transaksyon at magsisilbi itong malinaw na ebidensya kung may pagkaantala sa proseso.
PHOTO: KAPEHAN SA KAPITOLYO/CPIO-LIVE
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










