Tuesday, February 17, 2026

𝗗𝗘𝗣𝗔𝗥𝗧𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗢𝗙 𝗠𝗜𝗚𝗥𝗔𝗡𝗧 𝗪𝗢𝗥𝗞𝗘𝗥𝗦 𝗡𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗟𝗔 𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗘𝗞𝗘𝗡𝗚 𝗨𝗔𝗘 𝗝𝗢𝗕 𝗢𝗙𝗙𝗘𝗥𝗦 𝗚𝗔𝗠𝗜𝗧 𝗔𝗡𝗚 𝗢𝗘𝗖

Cauayan City – Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs), lalo na sa mga dating nagtrabaho sa Saudi Arabia, laban sa mga ilegal na recruiter na nag-aalok ng agarang paglipat sa bagong employer sa Abu Dhabi at Dubai gamit ang pekeng overseas employment certificates (OECs).

Ayon kay Undersecretary Bernard Olalia, hindi dapat pumayag ang mga domestic worker sa alok na gagamitin ang kanilang lumang OEC at papalitan o ipepeke ang employer at destination country para lamang makaalis ng bansa.

Naglabas rin ng babala ang DMW kasunod ng pagkakaaresto sa umano’y ilegal na recruiter na si Gie Celleros Viterbo, alyas “Ghie,” sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation–Human Trafficking Division at ng DMW Migrant Workers Protection Bureau.

Inaresto si Viterbo sa loob ng kanyang condominium unit sa Pasay City matapos magsumbong ang mga biktima.

Batay sa imbestigasyon, ginamit umano ni Viterbo ang dating employment contracts ng mga biktima sa Saudi Arabia upang iproseso ang mga ito bilang returning workers na patungong Dubai.

Nangako umano siya ng sahod na $400 hanggang $450 kada buwan at nag-ayos pa ng connecting flights sa Hong Kong at Doha.

Gayunman, sa isinagawang immigration screening ng Bureau of Immigration at ng DMW, natuklasang peke ang mga dokumento, kabilang ang OECs, kaya’t napigilan ang pag-alis ng mga biktima.

Tiniyak naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na haharap sa kasong large-scale illegal recruitment at trafficking-related offenses ang suspek.

Nangako rin ang ahensya ng tulong at counseling sa mga biktima.

Binigyang-diin ng kalihim na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang proteksyon ng OFWs sa pamamagitan ng ligtas, etikal, at legal na proseso ng pangingibang-bansa.

Hinikayat din ng DMW ang iba pang posibleng biktima na lumapit sa mga awtoridad at makipagtulungan sa imbestigasyon.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments