Hindi sumasang-ayon ang Teacher’s Dignity Coalition o TDC, sa inilabas na kautusan na isama ang Bagong Pilipinas Hymn at Pledge sa mga flag ceremonies. Ito ang tahasang naging pahayag ni TDC Chairman Benjo Basas sa naging panayam nito sa iFM Dagupan.
Mainit ngayon ang usapin ukol sa direktiba na ibinaba ng opisina ng Pangulo ng Pilipinas na isama sa bawat flag ceremonies ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at maging sa mga paaralan ang panata at hymno ng Bagong Pilipinas.
Ayon kay Basas, hindi na umano kailangan pang idagdag ang Bagong Pilipinas hymn at pledge dahil pangmamaliit lang ito sa Pambansang Awit ng Pilipinas. Pampadagdag lang din ito sa mahabang oras na inilaan sa mga orihinal na panata at iymno na karaniwang binibigkas ng bawat estudyante tuwing flag ceremony.
Dagdag pa niya, tila binabagay rin ang makabagong panata at hymno sa kasalukuyang gobyerno kung saan ang layunin nito ay patungo sa makabagong simula para sa bansang Pilipinas.
Matatandaan na ibinaba ang Memorandum Circular No. 52 o Prescribing the Recital of the Bagong Pilipinas Hymn and Pledge during Flag Ceremonies noong linggo, kung saan ilang ahensya ang agarang nagpatupad tulad sa hanay ng kapulisan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨