Umaabot sa 58 ang bilang ng mga naarestong indibidwal sa loob lamang ng isang linggo sa lalawigan ng Pangasinan sa mga isinagawa nitong Anti-Criminality Law Enforcement Operations, ayon sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO).
Ayon sa Pangasinan PPO, karamihan sa kanilang mga naaresto mula ika-25 ng Pebrero hanggang ika-2 ng Marso ay mga wanted persons, tatlumpu’t apat dito ang nahuli sa bisa ng warrant of arrest, samantalang sampu naman ang most wanted persons mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Samantala, sa usaping iligal na droga, labindalawang drug personalities ang naposasan sa nagpapatuloy nitong kampanya kontra sa iligal na droga. Nasabat dito ang P94,962 na halaga o tumitimbang ng nasa 13.965 na gramo ng shabu.
Karagdagan pa rito ang apat na nahuli tungkol sa loose firearms.
Sinisiguro naman ng hanay ng kapulisan sa lalawigan ang pagpapaigting ng kanilang serbisyo publiko upang mapanatili ang kapayapaan, kaligtasan, at kaayusan sa buong lalawigan ng Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨