𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧-𝗞𝗨𝗠𝗨𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗣𝟱𝟬𝟬𝗞 𝗛𝗔𝗟𝗔𝗚𝗔 𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗡𝗦𝗔𝗟𝗔, 𝗡𝗔𝗜𝗧𝗔𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗦𝗨𝗡𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗘𝗖𝗛𝗔𝗚𝗨𝗘

Cauayan City – Tinatayang nasa humigit kumulang P500k ang halaga ng pinsala sa nasunog na production line section ng San Miguel Food Aces sa Brgy. Garit, Echague, Isabela, noong March 15, 2025.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP Echague, posibleng nagsimula ang sunog dahil sa problema sa kuryente.

Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Senior Fire Officer 2 Leomar Parallag ng Echague Fire Station, itinawag ni Eliza Paguyo na empleyado ng nasabing planta sa mga awtoridad ang nangyaring sunog na agad namang nirespondehan.


Ayon kay Senior Fire Officer 2 Parallag, dahil sa patuloy na paglaki ng apoy, itinaas sa 2nd alarm ang sunog kaya naman humingi sila ng karagdagang suporta sa BFP Alicia, BFP Santiago, at BFP San Isidro.

Humigit kumulang isang oras ang ginawang pag-aapula sa apoy bago ito tuluyang idineklara bilang fire out.

Aniya, isa sa pinaka naapektuhang bahagi ng gusali ay ang record section, kung saan nakalagay ang mahahalagang dokumento ng kumpanya.

Wala naman umanong naiulat na nasaktang empleyado sa nangyaring insidente, ngunit mahigpit na nagpaalala si Parallag sa publiko na maging maingat lalo na ngayong tag-init upang maiwasan ang ganitong uri ng sakuna.

Facebook Comments