Mariing pinabulaanan ng transport group na Auto Pro Pangasinan ang ukol sa hindi na umano pamamasada ng mga traditional jeepneys sa susunod na buwan.
Marami kasi ang mga naguguluhan pa rin gaya ng mga komyuter sa kung ano na nga ba ang mangyayari sa mga traditional jeepneys sa pagtuloy ng arangkada ng jeepney modernization sa bansa.
Ayon kay Auto Pro Pangasinan President Bernard Tuliao, hindi totoong hindi na mamamasada pa ang mga traditional jeepneys lalawigan sa susunod na buwan dahil sa katunayan, sa susunod na buwan, ang mga PUV operators at drivers na hindi nakapag-consolidate ang talagang tatamaan at nasa isang porsyento lang naman ang tinatayang hindi na makakapagpasada.
Huwag din umanong mag-alala ang mga komyuter dahil walang magiging problema sa kanilang mga sasakyan dahil sapat ang mga jeep na pumapasada at papasada.
Dagdag pa ni Tuliao, wala ring problema sa bilang ng mga nakapag-consolidate nang mga PUV operators at drivers na kanilang saklaw at sapat ang mga ito para sa mga rutang iikutan sa mga bayan at lungsod sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨