𝗜𝗟𝗔𝗡 𝗣𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗢𝗦𝗜𝗕𝗟𝗘 𝗡𝗔 𝗣𝗥𝗢𝗬𝗘𝗞𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗦𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗡𝗔𝗢𝗔𝗚, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗛𝗔𝗡𝗗𝗔𝗔𝗡 𝗔𝗧 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚-𝗔𝗔𝗥𝗔𝗟𝗔𝗡 𝗡𝗔

Ilan pang proyekto ang nakaantabay na at pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Manaoag para sa prayoridad pa rin nito na mapaganda at maging maayos ang bayan bilang bahagi ng pagpapalakas pa ng kanilang turismo.

Isa sa prayoridad ngayon ang pagsasaayos ng mga lugar kung saan madalas na bumisita ang mga turista tulad na lamang paligid ng Manaoag church at ang kamakailan lamang na pagpupulong na naganap ukol sa renovation ng kanilang pamilihan bayan.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario, sinabi nitong may iba pang proyektong nakaabang gaya ng pagpapalawak pa ng kalsada malapit sa simbahan ng Manaoag kung saan maaaring maging central station na magsisilbing pwesto ng mga mananakay at mga sasakyan.

Bubuhayin rin umano at pinag-uusapan na rin ang pagkakaroon ng mas malawak na parking area at may mga lumalapit na rin upang pag-usapan ang pagkakaroon o maaaring pagpapatayo ng multi-level parking na siyang masinsinan pang pinag-aaralan ng LGU.

Sa ngayon, tuloy na tuloy na ang planong pagsasagawa at pagrerehabilitasyon sa pamilihang bayan nito nang sa gayon ay magkaroon na ng mas maayos at mas malawak na pagbebentahan ang mga vendors ng naturang bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments