CAUAYAN CITY – Nagresulta sa pagbaha at pagguho ng lupa ang ilang linggong malakas na pag-ulan sa bansang Japan.
Bukod dito, nagsilikas din ang mga mamamayan ng naturang bansa sa mas ligtas na lugar.
Natigil din ang ilang transportasyon at apat na katao ang naitalang nawawala, kabilang na ang dalawang police officers.
Sa ulat ng Fire and Disaster Management Agency sa Japan, isang 86-anyos sa Yuzawa City ang patuloy na pinaghahanap matapos makita ang bicycle at helmet nitong palutang-lutang sa ilog.
11 na katao naman ang nailigtas ng mga rescue teams sa Yokote City sa tulong ng bangka.
Sa Shinjo City, dalawang pulis ang nawawala matapos tangayin ng tubig-baha habang 37 na katao naman ang stranded sa isang nursing home sa nabanggit din na lungsod.
Samantala, kasalukuyan pa ring suspended ang operasyon ng Yamagata Shinkansen bullet train ayon sa ulat ng East Japan Railway Company.