Kasabay ng pagsisimula ng klase para sa taong 2024-2025 ay ang pangamba ng ilang magulang sa mga posibleng sakit na makuha ng kanilang mga anak ngayong nararanasan ang pag-ulan at pagbaha sa lungsod ng Dagupan.
Ilan sa mga magulang na nakapanayam ng IFM Dagupan sa Calmay Elementary School, ay nangangamba umano sa sakit na dengue kung kaya’t pinagsuot nila ang kanilang mga anak ng mga damit na mahaba ang manggas upang maiwasang makagat ng lamok.
Ang iba rin sa mga ito ay nilagyan ng mosquito repellent lotion ang mga anak.
Ang ilang mag-aaral ay nakasuot na rin ng bota dahil hindi maiwasang tumapak ang mga ito sa mga daang may naipong tubig. Pag-iwas umano ito sa sakit na leptospirosis.
Ngunit bago pa man nagsimula ang pasukan ay naumpisahan at nakapagsagawa naman na ang lokal na pamahalaan ng misting operation sa mga paaralan sa lungsod upang masiguro na ligtas ang mga mag-aaral sa sakit na dengue.
Isa rin sa kanilang inaalala ay ang ubo at sipon na madalas na makuha ng mga bata sa kanilang paglalaro at sumasabay pa ang pabago-bagong panahon.
Nagbigay paalala naman ang Department of Health Region 1 sa mga magulang na doblehin ang pag-iingat at pag titingin sa mga chikiting o mga bata dahil uso ngayong ang mga W.I.L.D diseases.
Pinapayuhan rin ang mga magulang na kung hindi maiwasan ng mga batang lumusong sa baha ay agad na lamang itong sabunin at hugasan ng maigi gamit ang malinis na tubig. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨