Tuesday, February 17, 2026

𝗜𝗡𝗗𝗨𝗦𝗧𝗥𝗜𝗬𝗔 𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗜𝗦 𝗦𝗔 𝗖𝗜𝗧𝗬 𝗢𝗙 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡, 𝗣𝗔𝗚𝗧𝗜𝗧𝗜𝗕𝗔𝗬𝗜𝗡

Cauayan City – Pinangunahan ni Romualdo J. Elvira Jr., Pangulo ng PhilMaize, ang pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Lungsod ng Ilagan para sa nalalapit na National Corn Congress Luzon Cluster.

Inorganisa ito ng Department of Agriculture katuwang ang PhilMaize na naglalayong palakasin ang industriya ng mais sa pamamagitan ng talakayan ukol sa makabagong teknolohiya, katatagan laban sa climate change, pagpapabuti ng post-harvest facilities, at pagpapalakas ng mga samahan ng magsasaka.

Nagsisilbing mahalagang plataporma ang National Corn Congress para sa mga stakeholder upang magbahagi ng kaalaman at estratehiya na makatutulong sa pagpapataas ng produksyon at kita ng mga magsasaka, at matiyak ang pangmatagalang kaunlaran ng industriya ng mais sa rehiyon.

Sa kanyang pagbisita, inikot ni Elvira ang malapit nang matapos na Mega Feedmill Complex na nagkakahalaga ng ₱1.8 bilyon.

Ang pasilidad ay gumagamit ng makabagong teknolohiya sa paggawa ng feeds at mangangailangan ng mahigit 300,000 metric ton ng mais kada taon upang maabot ang buong kapasidad ng produksyon.

Ang proyekto ay pinauunlad ng Thailand-based na Charoen Pokphand Foods (CPF) katuwang ang lokal na kompanyang Sagittarian Agricultural Philippines Incorporated.

Inaasahang malaki ang magiging ambag ng feedmill sa lokal na agrikultura, kabilang ang pagpapanatili ng matatag na presyo ng mais at pagbibigay ng dekalidad na feed resources para sa mga magsasaka.

Samantala, matatandaang idineklara ng Department of Agriculture ang Lungsod ng Ilagan bilang Corn Capital of the Philippines.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments