
Cauayan City — Umani ng papuri ang dalawang pulis sa na nakatalaga sa Solana Police Station matapos nilang matulungan ang isang buntis na ligtas na makapanganak sa loob mismo ng mobile patrol car sa Brgy. Cattaran, Solana, Cagayan noong Pebrero 18, 2026.
Habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya sina Police Corporal Avelino Bangayan at Patrolman Karl Nixon Mabborang, namataan nila ang ilang residente na naghihintay ng ambulansya para sa isang ginang na malapit nang manganak.
Dahil sa agarang pangangailangan, kaagad nilang isinakay ang buntis, sa pakikipag-ugnayan sa Barangay Health Worker (BHW), patungo sa Municipal Health Office.
Ngunit habang nasa biyahe, hindi na napigilan ang panganganak ng buntis kaya naman humingi sila ng tulong sa isang Barangay Health Worker na si Maribeth Layugan.
Sa tulong ni Ginang Layugan, matagumpay na naisilang ang sanggol na lalaki sa loob ng patrol vehicle, at kaagad namang naihatid nang ligtas ang mag-ina sa pagamutan para sa karagdagang pangangalaga.
Nagpasalamat naman ang pamilya ng ginang sa mabilis at makataong pagtugon ng dalawang pulis, gayundin sa dedikasyon ng Barangay Health Worker na tumulong sa panganganak.
Ayon sa Police Regional Office 2 sa kanilang inilabas na ulat, ang insidente ay patunay ng patuloy na pagsasabuhay ng kapulisan sa kanilang tungkulin hindi lamang bilang tagapagpatupad ng batas kundi bilang katuwang ng komunidad sa oras ng pangangailangan.
📷 Aira Layugan
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










