
CAUAYAN CITY – Patay ang isang indibidwal habang dalawa ang sugatan sa salpukan ng dalawang motorsiklo nitong unang araw ng Pebrero sa interseksyon ng Mabini Street at Lumabang Street, Brgy. Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na ang motorsiklong Honda ay patungong hilaga sa Lumabang Street, habang ang Rusi naman ay patungong kanluran sa Mabini Street.
Ayon pa sa ulat, pareho umanong hindi sumunod sa Stop and Go Rule ang mga drayber dahilan ng kanilang pagsasalpukan, at dahil sa malakas na impact tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo.
Nagtamo ng malalang pinsala ang dalawang driver ng mga motorsiklo maging ang backrider ng Rusi upang lapatan ng lunas subalit idineklarang Dead on Arrival (DOA) ang backrider ng Rusi.
Samantala, muling nagpalala ang Solano Police Station na mag-ingat sa byahe at laging sumunod sa mga batas trapiko upang maiwasan ang anumang aksidente.









