CAUAYAN CITY- Sa halip na itapon ang tonetoneladang kamatis, nagdesisyon ang isang magsasaka na ipamigay na lamang ang kaniyang ani matapos na bigo nitong maibenta sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT).
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News team, sinabi ni Eng.Gilbert Cumila general manager ng NVAT, kung sakaling naibenta sa halagang P15/ kilo ang mga kamatis ay tinatayang nagkakahalaga ito ng kabuuang P25,000 hanggang P30,000.
Iuuwi na lamang umano sana ng may-ari ang mga kamatis ngunit nagdesisyon ito na ipamigay na lamang sa Bayombong habang ang iba naman ay itinapon na lamang dahil na rin sa sira na ang karamihan sa mga ito.
Bigong maibenta ng magsasaka ang kanyang ani makalipas ang tatlong araw dahil sapat ang suplay mula sa iba pang lugar.
Mula sa P120/ kilo nito ay nagkakahalaga na lamang ang kada kilo ng kamatis sa merkado ng P15 hanggang P30.
Hindi rin nakikitang tataas pa ang presyo nito sa ngayon, maliban na lamang kung may pumasok muli na bagyo sa bansa at masira ang mga pananim.