
Cauayan City – Muling pinatunayan ng Isabela State University (ISU) ang kahusayan nito sa larangan ng edukasyon matapos itong makapasok bilang Rank 52 sa Pilipinas sa pinakabagong talaan ng UNIRANKS para sa World University Rankings 2026.
Batay sa opisyal na resulta, nakapagtala ang ISU ng Global Rank na 8,853, Country Rank na 52, at Score na 34.74.
Kabilang ang pamantasan sa 346 na unibersidad sa buong bansa na napabilang sa nasabing pandaigdigang ranggo ngayong taon.
Ayon sa ulat, walo pang unibersidad mula sa Rehiyon Dos ang nakapasok din sa World University Rankings ng UNIRANKS 2026, patunay sa patuloy na pag-angat ng kalidad ng mataas na edukasyon sa rehiyon.
Layunin ng UNIRANKS na mapanatili ang isang komprehensibo at tumpak na database ng mga institusyon para sa mataas na edukasyon.
Ito ay nagsisilbing gabay sa mga mag-aaral, guro, at mananaliksik sa pagpili ng paaralang papasukan o katuwang sa akademikong larangan.
Sa patuloy na pag-angat ng ISU, inaasahan ang mas marami pang inisyatibo at programa na magpapalakas sa kalidad ng pagtuturo, pananaliksik, at serbisyong pangkomunidad ng unibersidad.
Source/Photo: Region Cagayan Valley Nationwide
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
Facebook Comments










