Nanawagan ang pamunuan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko na tiyaking ligtas ang mga alagang hayop tuwing may sakuna.
Ito ay matapos na maglipana sa social media ang larawan ng mga alagang aso na nasawi dahil sa pananalasa ng habagat sa bansa.
Sa facebook page ng PDRRMO, sinabi ng tanggapan na sana ay tulungan din ang mga hayop na nangangailangan ng masisilungan.
Sa bayan ng Mangaldan, nadatanan ng aming team ang ilang residente na maagang inilipat sa mataas na lugar ang kanilang mga alagang baka dahil tiyak na mahihirapan ang mga ito kung tumaas ang lebel ng ilog sa Angalacan River.
Nagtrending sa social media ang #NoPetsLeftBehind na nagpapaalala sa mga pet owners na tiyakin din ang kaligtasan ng kanilang alagang hayop.
Kaugnay nito, paalala ng tanggapan na mainam na tanggalin sa pagkakatali o pakawalan ang mga alagang hayop kapag hindi na kayang iligtas ang mga ito tuwing may sakuna. Sa paraang ito, mabibigyan umano ng pagkakataon ang mga ito na mailigtas ang kanilang sarili. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨