𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜, 𝗗𝗜𝗡𝗔𝗞𝗜𝗣 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗠𝗕𝗨𝗚𝗕𝗢𝗚 𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔𝗗

Cauayan City – Arestado ang isang lalaki matapos nitong bugbugin ang isang kagawad sa Brgy. Marabulig 1, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, lumalabas na bago mangyari ang insidente kasalukuyan umanong nagroronda sa kanilang barangay ang biktimang si Kagawad Gerry Palisoc kasama ang dalawa pang tanod nang yayain sila ng isang dating Brgy. Kagawad na dumalo sa selebrasyon ng kaarawan nito.

Habang kasalukuyan ang pag-uusap, bigla na lamang umanong dumating ang suspek na si alyas “Manny” na noon ay nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin, at kinumpronta ang biktima kaugnay sa di umano’y pagtanggi nito sa kanya noong mga panahon na humihingi ito ng tulong.


Upang hindi magkagulo, pinili na lamang ng biktima na umalis at umiwas subalit ikinagalit umano ito ni Alyas “Manny” kaya’t hinabol niya ito at dito pinagsusuntok.

Kaagad naman na umawat ang mga barangay tanod at humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkadakip sa suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station si alyas “Manny” na nakatakdang maharap sa kasong Direct Assault.

Facebook Comments