
Cauayan City – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Sotero Nuesa, Roxas, Isabela, nitong huwebes, February 11, 2026.
Kinilala ang biktima bilang alyas “Joe”, 40 anyos, may asawa, mekaniko, at residente ng Purok 1 ng nasabing barangay.
Sa panayam ng IFM News Team kay Police Captain, Manuel T. Bulanadi, ng Roxas Municipal Police Station, nakatanggap ng report ang kanilang himpilan bandang 10:50 ng gabi kaugnay ng insidente na naganap umano dakong 10:45 ng gabi.
Sa paunang imbestigasyon, nakaupo umano ang biktima sa isang monoblock chair sa gilid ng northbound lane ng highway bago ang insidente.
Ilang putok ng baril ang narinig ng kanyang mga kaanak mula sa labas ng kanilang bahay, dahilan upang agad silang lumabas at doon ay natagpuan ang biktima na duguan at wala nang buhay.
Sa isinagawang pagproseso ng crime scene, nakarekober ang SOCO Team ang pitong basyo ng bala at dalawang fired bullets na hindi pa matukoy ang uri at kalibre habang isa pang fired bullet ang narekober sa katawan ng biktima sa punerarya.
Nakipag-ugnayan na rin ang himpilan ng pulisya sa Forensic Unit ng Roxas-Mallig Plains Satellite Office para sa mas masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin.
Nanawagan naman si Police Captain Bulanadi sa mga may impormasyon sa naturang insidente na ipagbigay alam sa kanilang himpilan para sa karagdagang impormasyon sa paglutas ng kaso.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










