Cauayan City – Ilang buwan na ang nakakalipas simula ng ipagbawal na sa merkado ang mga generic na tangke ng LPG subalit marami pa ring konsyumer at retailers ang apektado.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Ginang Leonalyn Alvarez, isa sa mga nagbebenta ng LPG sa lungsod ng Cauayan, hanggang ngayon ay may mga konsyumer pa rin na gumagamit ng mga generic na tangke.
Ayon sa kanya, hangga’t kaya ay sinusubukan nilang tulungan ang mga ito sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpapalit ng kanilang generic na tangke ng libre basta’t ito ay nasa maayos pang kondisyon upang sila ay may magamit sa pagluluto.
Gayunpaman, may mga pagkakataon na kahit na binibilin na nila ang mga ito na huwag ng ipalit sa generic na tangke kapag muling nagpakarga ay may ilan pa ring hindi sumusunod.
Dahil dito, paulit-ulit nilang ipinapaintindi sa mga konsyumer na mahigpit ng ipinagbabawal ang pagpapalit, pagbebenta at pagbili ng generic na tangke sa merkado.