
Cauayan City – Arestado ang mag-asawa at ang ina ng babae matapos umanong manalisi ng isang babaeng negosyante sa Barangay Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Police Captain Nelson Toquero, Hepe ng Villaverde PNP, kakabukas pa lamang ng tindahan ng biktima sa palengke nang lapitan siya ng dalawang babae na may kasamang dalawang taong gulang na bata.
Habang kinakausap at inaasikaso umano ng biktima ang mga babae, palihim namang kinuha ng lalaking kasama ng mga ito ang bag na nakalagay sa likod ng kanyang puwesto.
Makalipas ang ilang sandali at makaalis ang mga suspek, napansin ng biktima na nawawala na ang kanyang bag na naglalaman ng pera.
Wala rin umano siyang ibang kostumer nang mga oras na iyon kundi ang mga suspek.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang ang mas batang babae at ang lalaki ay mag-asawa at ang batang kasama nila ay kanilang anak.
Ang mga ito ay residente ng Jones at Echague, Isabela. Nakatulong din ang CCTV camera na nakatutok sa puwesto ng biktima upang agad na matukoy at matunton ang mga suspek.
Naabutan ng mga pulis ang sinasakyang pick-up ng mag-asawa sa Bintawan Road, San Luis, Solano, subalit wala na sa kanila ang ina ng babae.
Napag-alamang sumakay ito ng ibang sasakyan patungong Kasibu upang dalawin ang kanyang asawa at anak na pansamantalang nakapiit sa Kasibu PNP.
Agad naman siyang sinundan ng mga operatiba ng Villaverde PNP at doon na rin inaresto.
Narekober mula sa mga suspek ang ₱74,000 at iba pang personal na gamit ng biktima, habang kinumpiska naman ng pulisya ang sasakyan na ginamit ng tatlo.
Nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD) upang mahanap ang mga kamag-anak ng mga suspek na maaaring mag-alaga sa dalawang taong gulang na bata.
Nagpaalala naman si Capt. Toquero sa publiko na maging mapagmatyag laban sa ganitong uri ng krimen. Ayon sa kanya, bagama’t kilala ang Villaverde sa pagiging mapayapa, hindi dapat magpakampante ang mga residente at kailangang manatiling alerto sa anumang kahina-hinalang kilos, sapagkat hindi lahat ng mukhang maamo ay mapagkakatiwalaan.
Source: DWRV
Photo Courtesy: Villaverde PNP
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan









