Kinabahan ang ilang residente ng Brgy. Laoag, Aguilar, matapos sumiklab ang forest fire sa bulubunduking bahagi sa lugar noong gabi ng April 6.
Sa ilang pinadalang litrato at video ng ilang residente sa iFM, makikitang malawak ang sakop ng sunog at kita maging sa pulang kalangitan ang repleksyon nito. Pagbabahagi rin ng ilang residente mula sa ibang bayan tulad ng Calasiao, pansin din umano nila na malawak na ang sunog doon dahil tanaw na rin ito sa 30 kilometro na distansya ng bayan mula sa Aguilar.
Pag-amin ng BFP Aguilar, nahirapan silang apulahin ang apoy dahil walang daanan at malayo ang pinangyarihan ng forest fire. Dagdag ng tanggapan, taon-taon silang nakapagtala ng forest fire dahil sa tag-init.
Bukod sa Brgy. Laoag sa bayan ng Aguilar, nakapagtala rin ng insidente ng forest fire sa Brgy. Manlocboc at Brgy. Salomague.
Sa kasalukuyan, inaalam pa ng BFP ang lawak at halaga ng danyos sa lugar. Nakaantabay din ang hanay ng kapulisan sa bayan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨