Sa paglulunsad kamakailan ng Oplan Iwas Paputok ng Department of Health (DOH), nabuksan ang mga fast lane o express lane sa mga pampublikong ospital ng mga firecracker-related injuries.
Sinabi ni Dr. Rheuel Bobis, ng DOH Center for Health Development Region I (DOH-CHD 1) na ang fast lane ay bahagi ng kanilang Ligtas Christmas para sa Healthy Pilipinas Campaign upang magbigay ng mabilis na pagtugon sa mga firecracker injuries at iba pang holiday-related injuries.
Dahil dito, mas maraming mga medikal personnel ang idineploy mula noong ikalawang linggo ng Disyembre at mananatili hanggang sa unang linggo ng Enero taong 2024 at ang mga ospital na pinamamahalaan ng gobyerno ay inilagay sa Code White Alert Status.
Hindi bababa sa isang doktor ang naka-standby sa bawat shift upang matugunan ang mga pasyenteng isinusugod sa fast lane.
Pinayuhan ni Bobis ang mga pamilya na magpatupad ng first aid procedures sakaling magkaroon ng firecracker injuries sa pamamagitan ng paghuhugas kaagad ng tubig sa apektadong lugar, pagkatapos ay isugod ang pasyente sa ospital anuman ang kalubhaan ng pinsala para sa tamang lunas. | πππ’π£ππ¬π¨